Mensahe: Ang tula na ito ay naisulat noong Marso 8, 2011 sa isang klase namin sa Soc Sci I (oo, nakakatawang nagawa ko pang maisulat ito habang may klase, samantalang tungkol ito sa...)
Mga mata’y mabigat, ngunit huwag pumikit.
Huwag pansinin ang ulong masakit.
Umupo ng tuwid at tumingin sa harap.
Mamaya, pagkatapos, ka na magpakasarap.
Piliting makinig, piliting makaintindi.
Bagamat malabo ang lahat ng sinasabi.
Kumuha ng kwaderno at subukang magsulat.
O ‘di kaya’y kopyahin na lang ang lahat.
Humanap ng bagay na maaaring gawin
Upang magmukhang-OK sa kanyang paningin.
Kaunting tango, kunwari may naintindihan,
Kunwari pumapasok ang pinakikinggan.
Mahirap tiisin ang tiyan na kumakalam
Gutom ka na nga, wala pang kaalam-alam
Pitaka, tiyan, utak – walang laman,
‘Di na rin alam ang tatahaking daan.
Buhay estudyante, tiisin kahit mahirap talaga,
Dahil sa huli’y makikita kanyang tunay na halaga.
Mabuhay ka, Iskolar. Mabuhay ka.
O s’ya... Dali na’t humarap sa pisara.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment